
UP President Atty. Angelo A. Jimenez, Ginang Charita Puentespina, mga panauhin, mga awardees, mga estudyante, kasamang guro, manggagawa, at mga kapwa kong lingkod-bayan, magandang umaga.
Maligayang pagbabalik sa Unibersidad ng Pilipinas Mindanao. Binubuksan natin ang taong ito, ang semestreng ito, na mas may tiwala sa ating kapaligiran at mas may pag-asa. Nakikita na natin, sa ating bawat pagbalik sa campus, ang dahan-dahang pagbalik sa normal ng mga kondisyon ng ating mga mag-aaral.
Sa muli nating pagbabalik-kampus, asahan nating lahat ang isang espasyong handang tumanggap ng ibat ibang adhikain, na siyang isa sa mga pinakamahalagang katangiang taglay ng edukasyong nagmumula sa UP. Dito, malaya ang lahat upang ipahiwatig ang kanilang mga hinaing. Sapagkat, aanhin natin ang isang diplomang nagmumula sa UP kung hindi rin naman ito magagamit bilang gabay sa pag-unlad ng sarili nitong bayan at para sa kapakanan ng mamamayan nito.
May ilang bagay kayong muling makikita sa pagbabalik natin sa kampus. Nais ko ring ipakilala sa inyo ang ating mga sisimulan ngayong taon upang magtatag ng isang espasyong nababagay sa pag-aaral ng ating mga estudyante.
May mga karagdagang learning spaces na tayong nailagay sa iba’t ibang lugar ng campus tulad ng Atrium at CHSS Cultural Complex. Ang ating opisyal na kainan, ang Kalimudan, ay naaabot na rin sa wakas ng ating university internet connection. Ito ay palalawakin pa sa tulong ng internet cabling project ng IT Office.
Dahil na rin sa iba’t ibang pangangailangan sa pag-aaral, narinig natin ang hiling na madagdag ng oras para sa ating mga pasilidad. Ngayong semestre, ang ating University Library ay mananatiling bukas hanggang alas syete ng gabi. Inilunsad na rin ang Cafe Libro, isang proyekto ng Library para mas maging kalugod-lugod ang pamamalagi ng mga estudyante sa Library.
Naiintindihan din natin ang mga suliranin sa transportasyon dito sa campus. Nailungsad ngayong araw ang Libreng Sakay sa tulong ng ating UPMin alumni, upang mabigyan ng ginhawa ang inyong paglalakbay sa campus sa pagbubukas ng semestre. Ang dalawang linggong libreng sakay ay iikot sa mga piling lugar sa campus tulad ng admin at kanluran o ang CSM.
(Read the English translation here.)